Tuesday, September 01, 2009

Tao

Minsan talaga, may mga taong mahirap intindihin. Hindi ko alam kung dahil baluktot ang kanilang katwiran o ang sarili kong pag-iisip ang makitid at baluktot.

Bakit ba may mga taong sariling kasiyahan lang nila ang iniisip? Hindi man lang ba sumagi sa isip nila na responsibilidad din nila ang ibang tao sa paligid nila. Hindi ba nila napansin na dahil sa ginagawa nila ay nakakailang na sila? Hindi ba sila nahihiya?

Mahirap ngumiti kung hindi ka naman talaga masaya ni natutuwa. Mahirap makipag-usap at magpayo sa taong sarado ang utak. Sabi nga nila, mahirap umintindi ang bingi, pero mas mahirap umintindi ang nagbibingi-bingihan.

Pinipilit ang gusto, hindi naman tama. Ang tanging katwiran at pinairal ay puso. Bakit? Nasan ang utak mo? Sapat na ba ang dahilang "kasi gusto ko" kahit alam namang walang ibang patutunguhan kundi "kasi masaya kami".

Sabagay, sa huli, desisyon pa rin ng mga tao ang mananaig. Pwede nilang pilitin ang ipinipilit nilang tama sa kabila ng lahat. Pagtakpan ng tinatawag nilang saya ang hiya at pananagutan sa mga taong kanilang nasaktan. Magpakasaya sa kabatiran ng pakikipaglokohan.

Hindi ko alam sa kanila. Sige, pinili naman nilang tumawid sa apoy, wag silang magreklamong napapaso sila. Sabi nga nanay ko, ang pagpili sa mga bagay na mali ay para lang pagkuha ng bato at ipukpok sa sariling ulo. Siguro mas masarap sa kanilang pakiramdam ang pinupukpok ng bato sa ulo. Kung gayon, pwede bang hulugan ko na lang sila ng malaking bato para hindi na sila mahirapan?

Hindi nakakatuwa.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home